|
Tibyo o Alkansiya |
Noong kami'y mauunti pang bata, areng garne ay hinding hindi ko makakalimutan. Ay di nga'y ang bahay namin ay kubo la'ang. Na pagpasok mo sa loob ng bahay ay makikita mo na ang kabahayang ang pinaka sala ay naanduon na ang upuang kawayan pag araw at sa gab'i nama'y aking higaan. Ay sa bandang dulo'y ang aming kusinang kasama na doon ang batalan at banggerehan na sa kabilang sulok ay makikita mo ang tapayang malaking ipunan namin ng tubig. Ay ang pintuan ng aming bahay ay yari din sa sasag na kawayan at yung pinakatukod ay buong buong kawayan. Yun eh ang ginawa ko'y aking nilagarian sa itaas ng isang bias at ginawa kong tibyo... alkasiya ho sa iba. Hulog ko ho doon yung malalaking pisong mabig'at, yung tanso na sabi'y nila'y mahal na daw ngay'on ang katumbas na halaga... ay sa dami ko rin ngang naipong gay'on. Ako naman nga'y may katipiran ding angkin. Sa baon kong piso sa isang linggo, yun ay hindi ko gagastusin. Hulog ko kaagad yun sa aking tibyong ako la'ang ang nakakaalam na mayroon doon. Ay baka pag nalaman ng aking mga kapatid ay masungkit at kanyahin... ah ah ay magkakaribuk kami pag nagkagay'on. Ako naman nga'y may sipag ding taglay, sulasog ko ang gubat sa amin ay ako'y nanalbos ng sili at aking pagbili sa bakayan para la'ang magkapera. Ako'y hindi asa sa Tatay at Inay pagdating sa pera... Palibhasa'y maagang natuto sa buhay, maliit pa'y katukatulong na ako ng Mamay o kaya naman ay ng Tatay sa pagbubungkal ng lupa sa aming linang...