Are ang probinsya kung saan ako nagmula. Ipinagmamalaki kong ako'y ipinanganak na Batangueño... Ito ang probinsya ng mga magigiting,ng mga matitikas at kung minsan ay ng mga mabuladas kung saan ipinanganak ang karamihan ng mga bayaning Pilipino na nakipaglaban sa mga manlulupig alang alang sa kalayaan ng ating bansang Pilipinas. Isa na riyan ang tinaguriang "Ang Dakilang Lumpo" na walang dili't iba kundi si Apolinario Mabini. Siya'y ipinanganak sa Barangay Talaga, Tanauan Batangas. Sa mga hindi nakakaalam kung ano ang naging bahagi ng "Dakilang Lumpo" sa himagsikan laban sa mga kastila ay are ho ang kanyang mga ginawa... baka ho kayo'y nag-iisip na lumpo naman eh ano gang magagawa sa himagsikan eh hindi naman kayang lumaban.
Si Apolinario Mabini ho ay isang napakatalinong tao at
may napakatibay na paninidigan. Kahit paralitiko siya,
sumulat siya ng isang sanaysay hinggil sa mga tungkulin ng mga mamamayan sa
Diyos, sa bayan, at sa kanyang kapwa-tao at naging tagapayo siya ni Heneral Emilio
Aguinaldo noong panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano at siya ho ang tinawag "Utak ng
Himagsikan."
Isa pa sa mga magigiting na bayaning tubong Batangas na kipagbalitaktakan ng husto sa mga kalabang manlulupig noong kanyang kapanahunan ay si Heneral Miguel Malvar. Siya ang namuno sa Batangas sa paghihimagsik laban sa mga kastila noong 1896. At alam ga ninyong nag-alok ng malaking halaga ang mga kastila mahuli laang siya buhay man o patay. Subalit alam ninyo naman tayong mga Batanggenyo ay mauutak...ay gagaling pa ga sila sa atin.... eh di ang ginawa ni Heneral Miguel Malvar ay nagtago sa bundok ng Makiling...naku...pagkakabugnot ng mga kastila nung hindi siya mahuli. Alam ga ninyo ang ginawa ng mga kastila, mahuli laang siya... hinuli nila ang ama ng Heneral na magiting... pero sabi ko naman sa inyo.... magaling talaga ang Batanggenyo... ay nailigtas niya ang kanyang ama eh... kung papaano ay wag ninyo na akong tanungin dahil wala pa akong makitang detalye kung papaano niya iniligtas ang kanyang ama. Isa rin siya sa mga naging tagapayo ni Heneral Emilio Aguinaldo. Naging Tinyente Heneral siya sa paghirang sa kanya ni Aguinaldo. Nakilala siya bilang isang bayani ng Zapote sa digmaang Pilipino-Amerikano. Siya ang kahuli-hulihang heneral na sumuko sa mga amerikano.
At napakarami pang Batanguenyo ang nag-alay ng kanilang buhay, ng mga kakayahan, ng oras at talento para sa bansang Pilipinas na nakilala sa buong kapuluan. Hindi rin makakalimutan na ang kauna-unahang barkong pandigma ng Katipunan (Philippine Navy) ay bigay ni Donya Gliceria ng Taal at wag na wag din nating kakalimutan ang ang tumahi ng kauna-unahang watawat ng Pilipinas ay si Marcela Agoncillo na tubong Taal Batangas din.
Kaya ipagmalaki nating tayo'y Batangueño, lahi ng magigiting at bayaning Pilipino. Masipag, mabuladas pero may mababang loob at takot sa Amang Lumikha.
No comments:
Post a Comment