Showing posts with label november 1. Show all posts
Showing posts with label november 1. Show all posts

04 October 2013

All Saints day

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, pangangaluluwa
Pangangaluluwa in Batangas
Ah ah malapit na naman pala ang tagsinukmani... nakakamiss din nga sa amin pag ganitong undras. Bawat bahay ay may sinukmani... may sumang tamales na may latik na matam-is tam-is at mainit na kapeng barako. Kaming magkakaibiga'y pag nagkaisang mangaluluwa ay siya pandale na... garne kaagad ang kanta....


Kaluluwa'y dumaratal
sa tapat ng durungawan,
kampanilyay tinatangtang, 
ginigising ang may bahay.

Kung kami po'y lilimusan
dalidalian na po lamang
baka kami'y mapagsarhan
ng pinto ng kalangitan.

Ngay'on pag hindi pa nagising kaagad ang maybahay, ay kailangang kumanta pa ulit ng isa pa... minsan eh nagpapaimportante ang maybahay... sasabihi'y para isa naman ng kanta ay tama na ang limang piso... kaya kailangang pasundan kaagad ng isa pang kanta para malaki laki ang bigay.. are naman kaagad ang aming ibabanat...

Maybahay pong maginoo/ Magandang gabi sa inyo
Malayo pa’y sumasainyo/ Humahalimuyak ang bango.
Lakad nami’y dahan-dahan/ Sa pagpasok sa bakuran
Baka dito’y may halaman/ Kung masira ay mahalan.
Anong rikit anong ganda/ Ng nakatirang dalaga
Pa’no kaya ang pagkuha/ Walang kamay kundi paa.
Ang mabuti nating gawin/ Gumawa ng ibong papel
At siya nating padagitin/ Sa granadang nakabitin.
Yaring tapos na, tapos na/ Itong aming kinakanta
Maybahay na sinisinta/ Kami po ay limusan na. 


Kapag ang limos ay malaki garne ang kasunod na kanta...

Salamat po sa maybahay
sa limos na ibinigay
Ang amin pong dalangin at dasal
pagpalain kayo ng Maykapal

Ay di tapos na kaming kumanta, ay baken ga ito'y may napiyak na manok sa silong, yun pala'y dinadakma ng isa naming kasama yung mga itlog dun sa pugad ng nalimlim na manok... ah ah ay talagang kundi pumatikar at pihong pag inabot ay maaasbaran... karibok na eh.

Sa iba namang pangyayari kapag piso la'ang o kaya ay maliit ang iniabot na limos.. ay garne kaagad ang aming dale eh...

Thank you, thank you.. ang babarat ninyo, thank you.. sabay takbo... susko poooo Rudehhh... Takbo at baka malaguran...