Showing posts with label someone bothered. Show all posts
Showing posts with label someone bothered. Show all posts

07 October 2013

Sometimes You Need to Distance

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, sometimes you need to distance
Mga Padale ng Mamay
Kung minsan daw eh maganda ring napapalayo tayo sa ating mga mahal sa buhay o dun sa mga taong mahalaga sa buhay natin dahil sa pamamagitan nuon malalaman natin ang ating kahalagahan sa kanila at ganun din naman ang kahalagahan nila sa atin...Subalit sa mga tulad nating nangingibang bansa para sa kapakanan ng ating mga mahal sa buhay... maituturing natin na ibang usapan yun. Sapagkat lahat tayong nangibang bansa alang alang sa ating mga mahal sa buhay ay hindi inibig na mapalayo at mangulila para sa sariling kapakan-an laang. Tayo'y naghahangad na mai-agdong ang pamumuhay natin sa kasaganaan at maging maayos at maganda ang kinabukasan ng ating mga minamahal. Maaring ang iba sa atin dito sa ibang bansa'y nakakaranas ng kaalwanan sa trabaho at ganda ng buhay subalit karamihan sa atin ay hindi maayos ang nasusuungan at kung minsan ay nagiging biktima pa ng mga karumal dumal na krimen. Ang sa akin laang naman ay ganire... sa lahat ng ating pagtitiis at pagbabata... lahat ng yaan ay may kapalit na grasya.
Lahat ng ating pagtitiis at pagpapagal ay may magandang kapalit kung hindi tayo magpapabuyo sa mapanlinlang na kinang ng mapagbalat kayong kaanyuan ng inggit at kasuwakaban. Ano ho baga ang ibig kong sabihin.... totoo pong sa mga tulad nating nangingibang bansa, kumikita ng dolyar at nakakaranas ng magandang buhay sa lupang ating painagtatrabahuhan... nabubulag tayo sa mga kagandahang iniaalok sa atin ng makabagong teknolohiya at adbans na panahon... hindi ko po sinasabing masama ang magkaroon ng mga "smart phone" o kaya ay ng "tablet" o kaya ay ng pinaka adbans na "play station", magarang kotse at magandang bahay. Subalit kung ang lahat ho ng iyan at uutangin natin para lamang magkaroon tayo at masabing tayo'y "in" sa lahat ng bagay... masasabi ko hong nagkakamali tayo ng pananaw.

Minsan kasi sa tulad nating abroad at sumusweldo buwan buwan ng masasabi nating sapat para sa ating mga mahal sa buhay at sa kanilang pangangailangan, nagkakaroon tayo ng mentalidad na "makapangutang nga at ng mabili ko areng "smart phone" na aking ibig dahil ako nama'y susuweldo na ulit sa susunod na buwan... hanggang lahat ng maibigan at magustuhan ay utangin sapagkat alam nating tayo'y susuweldo na ulit sa susunod na buwan hanggang sa hindi natin namamalayan na kulang na pala sa pambayad sa mga inutang natin na mga bagay ang ating sweldo at wala nang natira sa mga bagay na mismong kailangan natin. Mga bagay na pangunahing pangangailangan natin sa buhay natin at hindi na natin kayang tugunan sa dahilang ubos na ang ating sahod sa mga bagay na pwede namang wala tayo.

Sa madaling salita ho baga at sa ganang akin ay tipirin natin ang biyayang ating natatanggap at matuto tayong gamitin ang mga ito sa tamang paraaan.

Yun laang ho at sana'y naunawaan ninyo ang aking ibig iparating.