26 November 2020

Sibuyas na Tagalog at Pamintang Sariwa

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, Sibuyas na Tagalog at Pamintang Sariwa
Sibuyas na Tagalog at Pamintang Sariwa
Sino sa inyo ang nakapag-ulam ng garne noong maliit pa. Kami noo'y tuwing mamamaraka ang Inay sa palengke sa bayan ay pag-uwi'y hindi nawawal'an sa mga pinamaraka ng sibuyas na tagalog. Sa amin namang likod bahay sa paagusan ng tubig na galing sa banggerehan ay may bugsok na tigas ng madre kakaw na pakapitan ng paminta... Ay tunay kayong yun ay aking agutay lagi ng pangunguha kapag nagbutil na... Ako baga'y sarap na sarap na ulam yang sibuyas na tagalog at pamintang sariwa tapos ay may saw-sawang bagoong na gawa ng Inay... yung lungoy na lngoy na... tapos may pinisang kamatis at nilabong talbos ng kamote at binanging okra...tapos may gayat na manggang pikong manibalang... ah ah... ay sabi ko sa iyo'y dakmusang dakmusan kaming magkakapatid... anaki'y gusto pang lumamon ay ubos na ang kanin... Sabi ko sa inyo'y kahit gay'on man ang ulam namin ay baken baga kami'y sarapang sarapang kumain na daig pa ang ulam nami'y litson... Ako'y paniwala talaga na kapag may pagmamahalan sa pamilya at lahat ay nagkakasundo sundo... ala ay kahit anong klaseng pang-ulam yan pag nagkakainan na... pamihadong masarap lahat yan... kami'y hindi na naghahanap ng ulam na tulad ng iniuulam ng mayayaman, dahil hindi rin naman sasabihing hindi nakakatikim dahil paminsan minsa'y namamaraka din ang inay sa bayan at nabili din naman ng masasarap na ulam.

Talapok ng Dayami

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, Talapok ng Dayami
Talapok ng Dayami
Alam ga ninyo pag sinabing talapok? Aking naaala-ala noong kaliliitan pa naming magpipinsan, pag tag-ani na ng palay ay kami'y talagang kanya kanya ng dalang takuyan at lilik para makipanganihan. Pagkakahapon ay di giik namin ang palay na aming inani para maihiwalay sa dayami... pag sugat na ang paa ay di pagpag ang gawa. Pagkatapos naman naming maihiwalay ang butil ay di itutumpok na ang dayami ng ganire, itatalapok na. Pampakain sa baka pag tag-araw. Kami naman ay tuwang tuwang maglaro ng taguan, yun gang magbabalot kami ng dayami sa kataw-an para hindi makita ng taya o kaya naman ay dadambahan namin sa ibabaw yung talapok. Ala ay pag nakita naman kami ng tatay, pamihadong may asbar. Hahabukin na kami noon, palakat nang ang sasabihi'y "pagkakadami namang pwedeng paglaruan ay bakin ga diyan pang sadya namang pinataas pa ang bunton, tapos inyo laang guguhuing mga tinamaan kayo ng kulog... pagsasatampalasan baga ninyong mga hamatad kayo!!!" Ay di kami nama'y patikaran nang pauwi at naku ay baka malabingki pa, ay pihong banil na naman sa binti o kaya ay sa hita o kaya ay sa pwet ang patpat na nakahanda.... Ah ah ay pero pag kakasaya namin noon...

08 November 2020

The Magic Wand (Ang Mahiwagang Patpat)

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako,
The Magic Wand (Ang Mahiwagang Patpat)
Sinong nakakaala-ala sa inyo nareng garne? Pag walang pasok lalo na pag bakasyon ay mayroong siyesta pag tanghali... kami'y papatulugin ng Inay o kaya ay ng Nanay at pag ayaw naming matulog ay kara karakay kukuhanin ng Inay ang kanyang patpat na nakasuksuk sa may bubungan ng bahay namin sa malapit sa pintuan. Garneng garne noon kami nong kami'y malilit pa. Ang Inay ay daig pa si Harry Potter sa pag-gawa ng magic. Bakit kanyo? Aba'y isang kumpas la'ang ng Inay ng kanyang "mahiwagang patpat" ay tulog agad kami eh. Kaya naman pagkalapat na pagkalapat ng aming gulugod sa banig ay hindi ko na iniintay na ikumpas pa ng Inay ang kanyang mahiwagang patpat, talaga namang nagpipikit pikitan na kaagad kami... Pag nahuli ako ng Inay na gising pa ay may isang labtik sa hita at karakarakay sasabihin ay "Tinamaan ka ng magaling na tinamaan ka ng kulog ka ay bakin baga aayaw mong bubuog na kulaog ka ay marami pa akong gagaw-in? Hala buog na at ng ako nama'y makatapos din sa aking mga gagaw-in..." Ah ah... ay pag hindi ka na
man nakatutulog ng wala sa oras eh...

07 November 2020

Ang Tamburin Noon

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, Ang Tamburin Noon
Ang Tamburin Noon
Naaala-ala ko pa noon kapag ganitong sasapit na ang Pasko at nakakarinig na kami ng mga awiting pamasko sa mga radyo... kaming magkakapatid at magpipinsan kasama na ang aming mga ilang kabababata ay nag-iisip na kaagad kung anong gagaw-in sa disperas ng Pasko... Noon ay pag gan'tong sasapit na ang Pasko ay talaga namang kami'y tuwang tuwa na. Ay aba'y alam ga ninyong pag Pasko la'ang kami nagkakaroon ng bagong damit at pantalon kaya naman kaming magkakapatid ay sabik na sabik na pag nag setyembre na dahil alam naming pagdating ng Disyembre ay magkakaroon na rin ng bagong damit at sapatos. Kami namang magpipinsan at magkakpatid ay nagpipitpit na ng mga kitse para gaw-ing tamburin. Aba'y oo, ya'an ang aming tamburin noon pag kami'y mangangaroling... Pipitpitin namin ya'an ng lapat na lapat tapos bubutasan namin sa gitna at tutuhugin namin sa kawad. Kanya kanya kami ng gawa dahil yung isa ko laang namang pinsan ang natutong mag-gitara kaya kami'y garne na laang ang dala. Ala' ay katalo din nga eh. Pag nadalihan namin ng kantang  "Ang Pasko ay Nakalantak ng Sapit" ay sya may piso na kami sa isang bahay.... Noon nama'y pagkakahalaga pa ng piso. Pag kami'y anabigyan ng piso'y kami'y tuwang tuwa na. Kakantahan kaagad namin ng "Thank you, thank you, ang babait ninyo, thank you." Pag ang bigay naman ay bentsingko sentemos laang o kaya may nagbibigay talaga ng dyes sentiomos laang.... ala ay babanatan naman namin ng kanta ng "Thank you, thank you ang babarat ninyo, thank you." Ay talagang kami'y nakakaranas na maipahabol sa aso... Ah..ah.. Pero masaya, patikaran naman kaming kai-kainaman....