Showing posts with label wasiwas. Show all posts
Showing posts with label wasiwas. Show all posts
25 October 2026
Buhawi
Noong ako'y nagsisimula pa la'ang magkaisip at maunawaan ang mga bagay bagay ay ako'y tuwang tuwa sa Tatay pag nakikita kong garne ang gawa. 'Yun gang wasiwas na maige sa hangin ang gulok at parang may tinatabas na wala ka namang nakikita. Pag dag'im na ang ilaya at itim na itim ang ulap at parang lulurok ang ulan at ang hangin ay talaga namang anaki'y may bagyong paparating... ay naku.. ay sya... karakaraka'y bubunutin ang kanyang gulok sa kaluban na nakasukbit sa kanyang tagiliran at iwawasiwas sa hangin akala mo'y may tinataga. Ay dahil nga ako'y mapagtanong noon ay di tinanong ko ang Tatay... sabi ko'y bakit ga ho kayo gay'ang hindi magkaintindihan sa paghalibas sa hangin ay wala naman kayong tinataga diyan? Ano ga ho ang ibig sabihin nyan? Sagot sa aki'y garne... "Ay nakikita mo ga ika Otoy yung buhawing yuon na nalawit sa ilayang iyan... anaki'y parang malaki eh.. ay para hindi na lumaki ay aking tinataga na at ng maghiwahiwalay at ng hindi na makapaminsala." Ah ah ay ako'y napaisip noon. Ang Tatay pala'y may kapangyarihang angkin. Parang yung mga napapanood kong mga AI ngay'ong ito, yung mga telenobela... may kapangyarihan ang mga karakter. Mas matindi pala ang Tatay noong una, kayang humawi ng buhawi. Ay kainaman na.
Subscribe to:
Posts (Atom)
