Showing posts with label Salitang Batangas. Show all posts
Showing posts with label Salitang Batangas. Show all posts
29 October 2026
Palamig na Melon
Are nama'y hanggang ngay'on ay mayroon pa nare, nga lamang ay ang hindi ko malilimutan ay noong maliliit pa kami ay malimit ang Inay na mag garine. Paslamig na melon tapos ay tatam'isan ng asukal na pula kahit hindi naman pula... Ay bakin ga nga ang tawag sa brown sugar ay asukal na pula. Ay yan ay kinagisnan ko na. Basta kakapamaraka pa la'ang ng Inay sa bayan ay palagi yung may biniling melon para gawing palamig. At pagkakatapos naming kumain ay ito ang aming pinaka Cola... Noo'y saka ka laa'ng makakatikim ng Royal kapag ikaw ay maysakit. Kaya itong palamig na melon ang aming pinaka inumin pagkakatapos kumain. Akin nang nakagisnan areng garne kaya naman pagdating dine sa abrod ay ako'y manghang mangha dahil ang melon dini'y kinakain ng hiwa hiwa. Pag natanggalan ng but'oy gagayatin na ng malalaking tilad tapos pwede nang kainin... Ngay'on ko la'ang naunaawaan na kaya pala ginagawang palamig ng Inay ang melon noon ay para magkasya sa aming buong pamilya. Dahil nga naman kung gagayatin at kakaiinin namin ng hiwa hiwa ay kulang pa sa tatlo ang isang melon...
28 October 2026
Anihan
Pag panahon ng anihan, noong kami'y mauunti pang bata ay kami'y suysoy ng Inay na makiani ng palay para daw kami'y may pakinabang na kahit kami'y maliliit pa. Kmai namang magkakapatid ay tuwang tuwa na para bagang ang paggapas ng palay ay laro la'ang sa amin. Kahit tiringka na ang init ng araw ay balewala sa amin dahil kami'y magugulo sa anihan. Palagi kaming parang balakatak ang mga bibig pag kami'y naglilipon habang nag-aani. Pagkakatapos naman naming mag-ani ay amin na ring gigiikin ang aming naani. Noo'y hindi pa uso ang tilyar na pag kaani ay ilalagay mo at isusubo sa bunganga ng tilyar at palay na paglabas... Noon ay giik main, minsan ay sugat na ang aming mga paa sa pag-giik ng palay. Pag naka hunos naman kahit na iisang balde'y kami'y tuwang tuwa na. Sabi nami'y may pansaing na ang anak ng Inay... ah ah ay talaga naman nga. Mahirap ang buhay noon pero nalagpasan naming lahat yuon... Salamat sa Diyos.
25 October 2026
Buhawi
Noong ako'y nagsisimula pa la'ang magkaisip at maunawaan ang mga bagay bagay ay ako'y tuwang tuwa sa Tatay pag nakikita kong garne ang gawa. 'Yun gang wasiwas na maige sa hangin ang gulok at parang may tinatabas na wala ka namang nakikita. Pag dag'im na ang ilaya at itim na itim ang ulap at parang lulurok ang ulan at ang hangin ay talaga namang anaki'y may bagyong paparating... ay naku.. ay sya... karakaraka'y bubunutin ang kanyang gulok sa kaluban na nakasukbit sa kanyang tagiliran at iwawasiwas sa hangin akala mo'y may tinataga. Ay dahil nga ako'y mapagtanong noon ay di tinanong ko ang Tatay... sabi ko'y bakit ga ho kayo gay'ang hindi magkaintindihan sa paghalibas sa hangin ay wala naman kayong tinataga diyan? Ano ga ho ang ibig sabihin nyan? Sagot sa aki'y garne... "Ay nakikita mo ga ika Otoy yung buhawing yuon na nalawit sa ilayang iyan... anaki'y parang malaki eh.. ay para hindi na lumaki ay aking tinataga na at ng maghiwahiwalay at ng hindi na makapaminsala." Ah ah ay ako'y napaisip noon. Ang Tatay pala'y may kapangyarihang angkin. Parang yung mga napapanood kong mga AI ngay'ong ito, yung mga telenobela... may kapangyarihan ang mga karakter. Mas matindi pala ang Tatay noong una, kayang humawi ng buhawi. Ay kainaman na.
24 October 2026
Papagayo
Noong kami'y mauunti pa't palaging ang gusto'y maglalaro sa labas lalo na't pag bakasyon na at sasapit na ang buwan ng Mayo. Yan ay yung panahon na kakaani la'ang ng palay tapos ay paghahanda na ulit ng linang para sa panibagong tag-ulan. Ang hangin pag gay'ang panahon ay talaga namang palaging hagubhob na eh. Yan yung panahon ng tag papagayo... Ako'y tuwang tuwa na kapag ako'y nakapagpalipad ng papagayong ano gang haba ng buntot. Kami'y patikaran sa parang - kaming magpipinsan at kanya kanya kami ng pinapalipad na papagayo... Naroong mabangasan ang tuhod ay balewala sa amin, naroong mapasungasob at maharharan ang baraso sa pagtakbo para la'ang lumipad ng maayos ang papagayo ay ayos la'ang, walang iyakan at pag umiyak at nakita ng Mamay o kaya ng Nanay o kaya ay ng Inay o Tatay ay pamihadong may asbar pang aabutin. Ah ah ay kaninaman na.
23 October 2026
Masayang Pamilya
Naalaala ko pa noong kami'y mauunti pa... Noo'y kami'y pag kakain ay sa sahig at dahil nga kami noo'y wala pang lamesa. Kahit tuyo at gulay la'ang ang ulam ay napakasaya na namin. Ang Tatay, pagkakagaling sa bukid ay laging may dala dalang mga gulayin - nariyang may talbos ng kamote, talbos ng kalabasa, mayroong titinggi, may patani, tapos may papaya, saka dahon ng malunggay, tapos may kasama pang kalamismis- ala ay di ga'y BULANGLANG na, Tapos may piniritong galunggong na pagkakalutong, na kahit tinik ay pwede mong kaiinin, tapos ay may bagoong na pinigaan ng kalamansi at saka may talong at okrang nilaga, tapos sakol pag kakain. Ay sabi ko sa iyo'y daig pa ang may ulam na karne... hinding hindi ko ipagpapalit. Sabi nga namin pagka gay'un ang pang ulam ay palaging garne... "Ah ah, ay makakpanabig ng kahanggan". Yaong gay'ong buhay, kahit na mahirap ay kami'y tuwang tuwa na... pagkakasaya.
21 October 2026
Gilingang Bato
Areng garneng mga tagpo ay hinding hindi ko makakalimutan. Pag ang Nanay ay gustong gumawa ng Puto o di kaya ay Kutsinta o kaya naman ay Pinindot na kung tawagin sa ibang lugar ay Bilubilo. Pag tag mais naman ay kalamay na mais ang aming dinadale... ay sya... karakaraka'y tawag kaming magklakapatid kaya la'ang ay palagi nga akong napupuruhan. Bakin ga nga at ako yata'y paborito noon ng Nanay, pag gigiling na garne ay ako kaagad ang hatak hatak at ako ang pinapagiling. Minsan naman nga ay ako ang taga lagay ng bigas o kaya naman ay mais. Ah ah ay hapo din naman nga bago tumigil eh pag ako ang nadale ng giling. Masasakit ang baraso pagkakatapos eh.
20 October 2026
Mahal Na Araw
Noong kami'y mauunti pa't kami'y wala pang masyadong inaalaala sa buhay... kapag Biyernes Santo ay talagang kaming lahat ay timo sa basayssay. Bawal ang maglayas, o kaya naman ay maglaro sa labas... basta kami ay nasa bahay la'ang at kami'y naghilata doon at kami ay nangingiling lahat. Bawal din ang magtarbaho at sabi'y patay daw ang Diyos at dapat na ipagnilay ang gay'ong pagkakataon. Ay di kami namang magkakapatid ay di timo nga la'ang sa bahay at wala ni isa man sa amin ang nagtangkang lumabas para maglaro. Kahit pa ya'y gustong gusto naming lumitar ay hindi pwede. Gay'on ang Mahal na Araw noon, talagang iginagalang. Hindi katulad ngay'ong mamahal-mahal na araw ay lahat ay nasa beach at naglilimayon. May pagpapatay pa ng baboy at pag iinumang naalman. Ay mga busong na ang mga tawo ngay'on... hindi katulad noon.
19 October 2026
Palapas ang Manggahan
Nong kami'y maliliit pa'y kaming magkakapatid ay magkakasundo sa mga garineng kalukohan... Kahit pa yan ay putikan ang dinadaanan, pag kami'y nagkita ng bunga ng mangga'y kaagad agad ay hagip ng pamalapas. Kahit pa naandiyan ang may-ari ng puno, tuloy ang yuryor... Kaya naman kami'y palaging napapag-garute ng Mamay noon eh. Kaige din naming pasaway noon. Pero kami nama'y mababait din, pag sinabi sa aming timo ay di titimo naman kami kaagad. Hindi na kami nasagot noon na katulad ng iba na kaagad ay sasabihing " Aba'y bakit titimo'y buhay?"
18 October 2026
Balatong Sa Bilao
Sino sa inyo ang nakakatanda nare... Ay naku po, isa are sa mga nagpahirap at nagpasakit sa aking tuhod... Pag kaming magkakapatid ay may nagawang kalukohan, kahit isa man la'ang sa amin ang may sala, lahat kami ay luluhod diyan sa bilao ng balatong na ya'an. Ay pagsa sakit naman... parang tinutundos ng malalaking karayom ang iyong laman sa tuhod eh... Yan ang sinasabing parusang sundalo pag diyan ka napaluhod. Gay'ong katatapang ang Inay at ang Tatay sa amin noon... Tapos ngay'ong may apo na eh, nakupo... ay mahal na mahal at ayaw na ayaw na makikitang aking nabubuntal ang kanilang apo... ay pamihadong sila ang kalaban mo ngay'on. Samantalang kami noo'y kulang na la'ang ay utasin sa pamamalo ng sinturon, ng hanger, ng walis tambo at kahit na anong mahagip, siguradong ilalabingki sa iyo. Ah ah, ay kainaman na.
17 October 2026
Buhay Probinsya
Hindi ko rin nga maintindihan at hindi ko lubhang maunawaan kung ako baga'y nalulungkot sa nangyayari ngay'on diyan sa atin sa Pilipinas... Noon bagang panahong una'y pakiramdam ko'y mahirap ang buhay pero ako'y masaya sa aking kapaligiran... Noo'y alam mong pagdating ng Mayo ay siguradong sigurado at alam na alam mong pamihadong uulan... Noo'y mahuhulaan mo ang weder porkast eh... kaya nga may tinatawag tayo noong Agua de Mayo eh... yun ay sahod sa unang ulan sa buwan ng Mayo... saka para bagang ang sarap noong damhin ng paligid, kahit na mahirap ang buhay dahil alam mong tahimik at payapa ang buong paligid. Huni ng ibon at unga ng baka at halinghing ng kabayo ang iyong maririnig, tapos ay palakat ng Inay pag nakitang kami'y nakaungkot la'ang at walang ginagawa. Araro kami ng asbar papuntang linang para magtanim ng mais at uulan na nga naman. Sa hapo'y mag-aalam ng baka at baka napulupot na sa pinagtalian.. Pagkapag-alam ng baka ay mangangahoy naman at ng may maigatong dahil pag walang panggatong ay ang sabi ng Inay ay garne; "Ay sa tinamaan kayo ng magaling na mga hamatad kayo, mga kalis ninyo ang pipirperen ko at ng may maigatong ako dini sa sinaing ko"... Ah ah, ay pag di ka umingle ay sya ka... bukod sa may garute ka na ay mag pingot ka pa sa taynga.
16 October 2026
Ang Pagsusunog ng Kilay
Noong kami'y mauunti pa, at kami'y nagaaral pa sa elementarya, ay ganireng ganire kami sa gab'ing magkakapatid. May ilaw na kingki, makapg-aral la'ang at ng magkagawa ng assignment. Pagkakatapos nama'y puno ng agiw ang ilong eh. Ay kita mo nga naman iyon, nakaraos din nga eh kaming magkakapatid. Kung babalik tanawin ko nga naman yung aming mga pinag-daanan ay hindi rin nga babasta.
14 October 2026
13 October 2026
Refrigerator Noon
![]() |
| Refrigerator Noon |
Pag Nasabit ang Tilin Mo
Ah ah ay areng Ate, ay hindi mapigilan sa pag-akayat sa puno ng bayabas. Nang makitang luyok sa bunga eh, karaka'y nakalantak kaagad ng akyat eh... ay ang Inay naman ay sa lalabas ng basaysay, ay di ga'y palakat na ng matan-awang ang Ate'y pandagisdis na sa pag-akyat... At ang sigaw ay gar'ne...
" Ay pukikinang-inamuka, anaki'y ike talanding pusa diyang hindi ka matilaman...Ay kung sa pag-daplas mong yan ay mapasabit sa sanga ang iyong tilin diyang tinamaan ka ng magaling na bata ka, ay pag di yan ay halit! Baba... baba diyan at pag nahulog nama'y ga karaka na'y pipiyagak ng iyak, pag nasaktan nama'y ga atungal na kaagad na akala mo'y pinag-api... ay hulong... ay mapapag-asbaran pa kitang bata ka".Ay di ang Ate nama'y pandalas nga sa pagbaba at baka nga naman mapasabit ang tilin ay naku... ay pihong mahapdi... Ay kainaman na!
12 August 2023
Si Muning
![]() |
| Si Muning |
Sumang Batangas
![]() |
| Sumang Batangas |
Sorbetes
![]() |
| Sorbetes |
Kapag Libog Ang Pinairal
Are'y kaasakang kaasakan noong ako'y nasa hayskul na... Basta bago ang dyip ay maraning marani ay garne ang nakasulat sa mudguard. Lalo na nung magkolehiyo na ako. Ay palagi ko areng nakikita dahil ako noon ay pang gab'i sa college dahil ako'y nagtatrabaho sa araw. Self supporting student ako noong araw eh. Mga taong 1990's yu'on... Yung service naming dyip sa gab'i ay palaging mabilis magpatakbo kaya naman ang tawag namin doon ay si "biyaheng Langit"... Yung drayber namin ay magaling makisama, palagi yu'ong may pakumusta sa iyo pag nakita ka... "Kumusta ika ang pag-aaral... Tandaan ninyong Pag Libog ang Pinairal, Sira ang Pag-aaral"... kami namang mga pasahero ay palaging sabay sabay na binabanggit yun pag naduon na sa huling puntong yun ng pagsasalita yung aming drayber... Ay doon din ako nagkaroon ng unang crush sa service na yuon... Ako nama'y pagkakatorpe noong panahong iyon at ako nga'y hindi naman marunong manligaw... yan gang hirap nga kami sa buhay ay ano ga namang aking ipangde-deyt kung ako ay manliligaw sa isip isip ko na la'ang... ala ay di dinaan sa liham ng pag-ibig... ay may sagot agad... BASTED... Ay hirol ang pusong sugatan... Ako'y napapaumis na la'ang pag aking naaala-ala.
11 August 2023
Sumang Balinghoy
![]() |
| Sumang Balinghoy |
09 August 2023
Miss Angkinin Mo Ako
![]() |
| Miss Angkinin Mo Ako |
Subscribe to:
Posts (Atom)





.png)













