Showing posts with label Kwentong Batangueño. Show all posts
Showing posts with label Kwentong Batangueño. Show all posts

29 October 2026

Palamig na Melon

Are nama'y hanggang ngay'on ay mayroon pa nare, nga lamang ay ang hindi ko malilimutan ay noong maliliit pa kami ay malimit ang Inay na mag garine. Paslamig na melon tapos ay tatam'isan ng asukal na pula kahit hindi naman pula... Ay bakin ga nga ang tawag sa brown sugar ay asukal na pula. Ay yan ay kinagisnan ko na. Basta kakapamaraka pa la'ang ng Inay sa bayan ay palagi yung may biniling melon para gawing palamig. At pagkakatapos naming kumain ay ito ang aming pinaka Cola... Noo'y saka ka laa'ng makakatikim ng Royal kapag ikaw ay maysakit. Kaya itong palamig na melon ang aming pinaka inumin pagkakatapos kumain. Akin nang nakagisnan areng garne kaya naman pagdating dine sa abrod ay ako'y manghang mangha dahil ang melon dini'y kinakain ng hiwa hiwa. Pag natanggalan ng but'oy gagayatin na ng malalaking tilad tapos pwede nang kainin... Ngay'on ko la'ang naunaawaan na kaya pala ginagawang palamig ng Inay ang melon noon ay para magkasya sa aming buong pamilya. Dahil nga naman kung gagayatin at kakaiinin namin ng hiwa hiwa ay kulang pa sa tatlo ang isang melon...

28 October 2026

Anihan

Pag panahon ng anihan, noong kami'y mauunti pang bata ay kami'y suysoy ng Inay na makiani ng palay para daw kami'y may pakinabang na kahit kami'y maliliit pa. Kmai namang magkakapatid ay tuwang tuwa na para bagang ang paggapas ng palay ay laro la'ang sa amin. Kahit tiringka na ang init ng araw ay balewala sa amin dahil kami'y magugulo sa anihan. Palagi kaming parang balakatak ang mga bibig pag kami'y naglilipon habang nag-aani. Pagkakatapos naman naming mag-ani ay amin na ring gigiikin ang aming naani. Noo'y hindi pa uso ang tilyar na pag kaani ay ilalagay mo at isusubo sa bunganga ng tilyar at palay na paglabas... Noon ay giik main, minsan ay sugat na ang aming mga paa sa pag-giik ng palay. Pag naka hunos naman kahit na iisang balde'y kami'y tuwang tuwa na. Sabi nami'y may pansaing na ang anak ng Inay... ah ah ay talaga naman nga. Mahirap ang buhay noon pero nalagpasan naming lahat yuon... Salamat sa Diyos.

25 October 2026

Buhawi

Noong ako'y nagsisimula pa la'ang magkaisip at maunawaan ang mga bagay bagay ay ako'y tuwang tuwa sa Tatay pag nakikita kong garne ang gawa. 'Yun gang wasiwas na maige sa hangin ang gulok at parang may tinatabas na wala ka namang nakikita. Pag dag'im na ang ilaya at itim na itim ang ulap at parang lulurok ang ulan at ang hangin ay talaga namang anaki'y may bagyong paparating... ay naku.. ay sya... karakaraka'y bubunutin ang kanyang gulok sa kaluban na nakasukbit sa kanyang tagiliran at iwawasiwas sa hangin akala mo'y may tinataga. Ay dahil nga ako'y mapagtanong noon ay di tinanong ko ang Tatay... sabi ko'y bakit ga ho kayo gay'ang hindi magkaintindihan sa paghalibas sa hangin ay wala naman kayong tinataga diyan? Ano ga ho ang ibig sabihin nyan? Sagot sa aki'y garne... "Ay nakikita mo ga ika Otoy yung buhawing yuon na nalawit sa ilayang iyan... anaki'y parang malaki eh.. ay para hindi na lumaki ay aking tinataga na at ng maghiwahiwalay at ng hindi na makapaminsala." Ah ah ay ako'y napaisip noon. Ang Tatay pala'y may kapangyarihang angkin. Parang yung mga napapanood kong mga AI ngay'ong ito, yung mga telenobela... may kapangyarihan ang mga karakter. Mas matindi pala ang Tatay noong una, kayang humawi ng buhawi. Ay kainaman na.

24 October 2026

Papagayo

Noong kami'y mauunti pa't palaging ang gusto'y maglalaro sa labas lalo na't pag bakasyon na at sasapit na ang buwan ng Mayo. Yan ay yung panahon na kakaani la'ang ng palay tapos ay paghahanda na ulit ng linang para sa panibagong tag-ulan. Ang hangin pag gay'ang panahon ay talaga namang palaging hagubhob na eh. Yan yung panahon ng tag papagayo... Ako'y tuwang  tuwa na kapag ako'y nakapagpalipad ng papagayong ano gang haba ng buntot. Kami'y patikaran sa parang - kaming magpipinsan at kanya kanya kami ng  pinapalipad na papagayo... Naroong mabangasan ang tuhod ay balewala sa amin, naroong mapasungasob at maharharan ang baraso sa pagtakbo para la'ang lumipad ng maayos ang papagayo ay ayos la'ang, walang iyakan at pag umiyak at nakita ng Mamay o kaya ng Nanay o kaya ay ng Inay o Tatay ay pamihadong may asbar pang aabutin. Ah ah ay kaninaman na.

23 October 2026

Masayang Pamilya

Naalaala ko pa noong kami'y mauunti pa... Noo'y kami'y pag kakain ay sa sahig at dahil nga kami noo'y wala pang lamesa. Kahit tuyo at gulay la'ang ang ulam ay napakasaya na namin. Ang Tatay, pagkakagaling sa bukid ay laging   may dala dalang mga gulayin - nariyang may talbos ng kamote, talbos ng kalabasa, mayroong titinggi, may patani, tapos may papaya, saka dahon ng malunggay, tapos may kasama pang kalamismis- ala ay di ga'y BULANGLANG na, Tapos may piniritong galunggong na pagkakalutong, na kahit tinik ay pwede mong kaiinin, tapos ay may bagoong na pinigaan ng kalamansi at saka may talong at okrang nilaga, tapos sakol pag kakain. Ay sabi ko sa iyo'y daig pa ang may ulam na karne... hinding hindi ko ipagpapalit. Sabi nga namin pagka gay'un ang pang ulam ay palaging garne... "Ah ah, ay makakpanabig ng kahanggan". Yaong gay'ong buhay, kahit na mahirap ay kami'y tuwang tuwa na... pagkakasaya.

16 October 2026

Ang Pagsusunog ng Kilay

Noong kami'y mauunti pa, at kami'y nagaaral pa sa elementarya, ay ganireng ganire kami sa gab'ing magkakapatid. May ilaw na kingki, makapg-aral la'ang at ng magkagawa ng assignment. Pagkakatapos nama'y puno ng agiw ang ilong eh. Ay kita mo nga naman iyon, nakaraos din nga eh kaming magkakapatid. Kung babalik tanawin ko nga naman yung aming mga pinag-daanan ay hindi rin nga babasta.

12 August 2023

Kuwatro Kantos At Krispi Pata

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, Kuwatro At Krispi Pata
Kuwatro At Krispi Pata
Are nama'y pagkakasarap tingnan para sa mamumulutan. Sabi nga'y are'y magkatuwang na magkatuwang... Nga la'ang ay ang hindi maganda dini'y pag yang pulutang 'yang nakahanda ay hindi makakatikim ang pamilya. Ako'y doon galit na galit baga, yung pag ang mga anak ang gustong kumain tapos ang sasabihin ng tatay ay "Hoy, 'wag na 'wag mo yang papaki'alman at yan ay aming pupulutanin ng aking mga kumpare". Ah ah ay tunay kang pag ang padre de pamilya ay mas mahal ang mga kumpare at mas naiipaghanda ng masasarap na pagkain ang mga kabarikan ay dapat diyan ay nilalatugan. Nakapagmalaki ka nga sa EpBi ng iyong pinulutang pagkasarap sarap tapos ay ang paulam mo sa iyong pamilya ay hawot at kape ang sabaw, na sila'y tatakam takam sa inyong pinupulutang iyan ay tunay na hindi magandang pamulat sa mga anak ya'an. At ako'y nakulo ang dugo pag ako'y may naaal'mang gay'an. Dapat sa mga gay'ang tawo'y nilalabingki ng tigas ng bilit at ng sila'y matauhan. Suskupo Rudeh!

Si Muning

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, Si Muning
Si Muning
Noong araw ang mga alagang hayop ay hindi katulad ngay'on na akala mo'y tao nang ituring. Hindi naman ho sa aking binabatikos ang mga may alagang hayop ngay'on at ako naman ho ay isa din sa mga may alagang hayop sa bahay. Ako ho'y may alagang so ngay'on na aking namang mahal na mahal din. Nga la'ang ho'y hindi katulad noong una ang pag aalaga ngay'on. Noong ako'y maunti pa ay may pusa kaming alaga sa bahay... at kaya kami nag-aalaga ng pusa noon ay maraming mga daga ang napasok sa aming bahay noon, minsan ay yung bagong bagong damit ng Tatay na binili pa ng Inay sa hurnalan ay bay'n ga ito'y noong isusuot na ng Tatay ay butas ang tagiliran at sirang sira. Ay yun pala'y nginayngay ng daga kaya naisipan noon ng Inay na mag alaga ng pusa. Naku yun ay aking mahal na mahal at aking katabi sa gab'i sa aking pagtulog. Ang Inay naman ay palaging palakat na sa akin at wag ko daw ipagtabi ang pusa at baka ako daw ay hikain. Ay baken ga sa awa ng Diyos naman ay hindi ako hinika. Pag sa galing din naman ng aming pusang iyon, pag yun ay umalis ng bahay asahan mong pagbalik ay kung hindi pugo ang dala sa bahay ay minsa'y ahas... ah ah sabi ko'y kainaman ka ng pusa ka... Kaya ho sabi ko kanina ay ibang iba ang mga alagang hayop noon kesa ngay'on... ay noon ay pabaya namin ang aming alagang hayop na labas lalo na yung aming aso. Yun ay basta may ibang tao sa bahay ay halabhaba na ang tahol at hindi takot. Talagang kundi tumawag ang pupunta sa inyo sa may pultahan ay hindi basta makakapasok... ay ngay'on, kahit na sinong dumating ay payipoy ang buntot... ah ah....

Sumang Batangas

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, Sumang Batangas
Sumang Batangas
Are'y talaga namang nakakatakam pag aking nakikita. Naaala-ala ko pa noong kami'y kaliliitan pa, na pag papasko na lalo na sa a-bente kuwatro ng Disyembre ay sya ang mga Nanay, ang Inay at aking mga Tiyahin ay pandagisdis na sa paggagawa ng suman... Dalwang klase pa are... ang isa ay yung suman sa tamales, yung hilaw ang malagkit na parihaba ang itsura tapos ay yung isa ay yung suman sa lihiya at gata... yung pahaba naman na ang malagkit na bigas ay isinasaing muna bago sumanin. Ang lagaan naman namin noon ng suman ay yung balde ng Minola na hiningi pa ng Mamay sa kanyang suking tindihan sa palengke ng Lobo. Ay pagsa dami naming gay'ong balde. Tapos ay kailngan mong laging babantayan at baka mawal'an ng gatong. Ang amin namang gatong ay lawo, yun gang kawayang tuyo kaya pagsadaling maubos... Tapos may konteyner kami ng tubig, yung malaki, aming alaga yun ng dugang ng tubig at baka maigahan ay masunog ay pihong lagot kami sa Mamay... maaasbaran kami pag nasupok ang nilagang suman. Yun ay hanggang sa madaling araw ng kapaskuhan ay kami'y mga mulat at agutay nga namin lagi ng gatong ang suman. Pag naluto naman na ay di kanya kanya kaming tikiman. Ang sawsawan pa naman namin ay kung hindi asukal na pula kahit hindi pula😅 ay di santan... yung gata ng niyog na  nilagyan ng asukal tapos inilaga ng matagal...Ah ah ay talaga naman ngang napasarap alalahanin ang nakaraan.

Sorbetes

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, Sorbetes
Sorbetes
Areng garneng magsosorbetes ay noong kami'y mauunti pang bata ay talaga namang hinding hindi ko makakalimutan... Yan ay malayo pa ya baken baga ito'y ulinig na ulinig na agad namin yung kalembang ang kanyang kampanilyang maliit. Ano nga gang tawag doon? Sa amin ay "kililing" dahil ang tunog ay di gay'on, "kililing, kililing, kililing". Ay sya, ay patikaran na kaagad agad kaming magkakapatid at magpipinsan at abang namin yan sa aming tarangkahan ng bahay at pag daan ay kami'y agad na nagsasabing pabili kahit mga wala namang pera... Ay di ga'y minsa'y kami'y napag asbaran ng Inay at bakit daw kami'y pagkakalakas ng loob na bumili ay mga wala naman daw kuwarta. Tapos ay pagsasabatugan pa raw naman namin ay hindi daw kami dapat binibigyan ng sorbetes na gay'on. Ah ah ay ako'y napaisip eh... ay nasabi ko na la'ang sa aking sarili na ano ga kaya sa Inay ang masipag, ay aturga ko na ngang lahat sa amin, pagsisibak ng kahoy kahit ako'y hagya na makabuhat ng puthaw, pag-iigip, pagtatabas ng looban, pagpapaanyo ng aming alagang baka at kambing... ay sabi ko'y pangkal pa pala ako ng lagay na are. Ala ay yung kain ko sa aking sorbetes eh ang hiyaw ko sa magsosorbetes eh, "pakisingil ho ang Inay" sabay patikar na ako pabahay. Ay di walang nagawa ang Inay kundi bayaran... Ah ah ay noon nga naman ay bago ka makatikim ng isang bagay na iyong ibig ay pagsadami pang rekutikos... Tunay ka naman.

Kapag Libog Ang Pinairal

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, Kapag Libog Ang Pinairal
Are'y kaasakang kaasakan noong ako'y nasa hayskul na... Basta bago ang dyip ay maraning marani ay garne ang nakasulat sa mudguard. Lalo na nung magkolehiyo na ako. Ay palagi ko areng nakikita dahil ako noon ay pang gab'i sa college dahil ako'y nagtatrabaho sa araw. Self supporting student ako noong araw eh. Mga taong 1990's yu'on... Yung service naming dyip sa gab'i ay palaging mabilis magpatakbo kaya naman ang tawag namin doon ay si "biyaheng Langit"... Yung drayber namin ay magaling makisama, palagi yu'ong may pakumusta sa iyo pag nakita ka... "Kumusta ika ang pag-aaral... Tandaan ninyong Pag Libog ang Pinairal, Sira ang Pag-aaral"... kami namang mga pasahero ay palaging sabay sabay na binabanggit yun pag naduon na sa huling puntong yun ng pagsasalita yung aming drayber... Ay doon din ako nagkaroon ng unang crush sa service na yuon... Ako nama'y pagkakatorpe noong panahong iyon at ako nga'y hindi naman marunong manligaw... yan gang hirap nga kami sa buhay ay ano ga namang aking ipangde-deyt kung ako ay manliligaw sa isip isip ko na la'ang... ala ay di dinaan sa liham ng pag-ibig... ay may sagot agad... BASTED... Ay hirol ang pusong sugatan... Ako'y napapaumis na la'ang pag aking naaala-ala.

04 April 2020

Magkano Ang Pamasahe



Pasahero: Boss, Jolibbee ho are.
Driver: Pasensya na ho, hindi ho ako si Jolibee.
Pasahero: Hindi ho!!! Magkano ho sa Jolibee?!!?
Driver: Depende sa value meal, sir.
Pasahero: Pucha... magkano ho pamasahe sa Jolibee?!!?!?
Driver: Sa pagkakaalam ko ho walang masahista doon eh...
Pasahero: Anak ng..!!!!! Magkano ho ibabayad ko hanggang Jolibee?!!??!
Driver: Ahhhh !!! Ay sya... lampas na ho kayo.
Pasahero: @#*%#*^%@*#

Eksena sa Jeepney

03 April 2020

Eksena sa Jeepney

Eksena sa Jeepney

Eksena sa Jeepney

Joke muna ulit tayo...

Estuyante: Manong Bayad ho.

Driver: San galing?

E: Anla pa naman areng si kakang drayber, "eh'y di sa bulsa ko ho."

D: Anla pa naman din... ang ibig ko hong sabihin eh san kayo sumakay?

E: Ay sya pa naman ho... ay hindi ga ho ninyo alam.. ay di sa dyip ho ninyo.

D: (aba'y luko ito ah.. bigyan ko nga ng kulang na sukli)

E: Ah ah ay baken ga ho kulang ang sukli ninyo? Magkano ho baga ang Bauan?

D: Ah ah Totoy ay baken mo ga tinatanong? Bibilhin mo ga?

04 November 2013

Ang Totoong Kaibigan

Isang araw nagpasiyang mag-road trip ng magkaibigang Juan at Pedro kaya kinuha nila ang kanilang mga bisekleta, isinakay sa kanilang saakyan at sila ay gumaod papuntang timog. Matapos ang mahaba habang paglalakbay, sila ay napasugasog at napasuong sa isang malakas na ulan na may kasamang kulog at kidlat. Kaya minabuti nilang huminto sa isang malaking bahay bakasyunan na kanilang nakita upang palipasin ang bagyo. Isang napakagandang babae ang bumungad sa kanila sa pintuan at nakiusap ang dalawa napatuluyin silang pansamantala upang palipasin ang gabi at ang sigwa.


"Nalalaman kong masama ang panahon sa labas ngayon at hindi ko kayo nais tanggihan upang patuluyin dito sa aking napakalaking tahanan... subalit kamamatay lamang ng aking asawa at ayokong mapag-usapan ako ng aking mga kapit-bahay dito at isipin nila na kababalo ko pa lamang ay nagpatuloy na kaagad ako ng lalaki sa aking tahanan," sabi ng napakagandang balo sa dalawa.

Huwag kang mag-alala. Ayos na sa amin ang matulog sa iyong kamalig sa likod ng iyong bahay... ang mahalaga sa amin ngayon ay ang masisilungan at bukas na bukas din ng madaling araw kapag ang panahon ay naging maayos, bago pa man sumikat ang araw ay aalis na din kami kaagad," ang sabi ni Juan.

Lumipas ang magdamag, humupa na ang bagyo at sila'y nagpatuloy na sa kanilang paglalakbay. Sobrang nasiyahan ang dalawa sa weekend riding na ginawa nila. Subalit pagkatapos ng siyam na buwan ay nakatanggap ng sulat si Juan mula sa isang abogado. Masyado siyang nagulumihanan at natigilan.... saka pa lamang niya napagtantong ang sulat ay galing sa abogado ng napakagandang balong kanilang nakilala nang gabing abutan sila ng malakas na sigwa sa kanilang paglalakbay papuntang timog. Dali-dali siyang nagpunta sa bahay ng kanyang kaibigang si Pedro at tinanong niya ito.

"Pedro, ikaw naman ay aking kaibigan...sana naman ay tapatin mo ako ng sagot sa itatanong ko sa iyo," sabi ni Juan.
"Naaalala mo pa ba ang napakagandang babaeng nakilala natin noon sa isang road trip kung saan duon tayo tumigil at nagpalipas ng malakas na bagyo siyam na buwan na ang nakakaraan?" Tanong ni Juan kay Pedro.

"Aba'y oo naman." Sabi ni Pedro.

 "Ikaw baga ay bumangon nung hating gabi na iyon at inakyat mo ang magandang babaeng iyon sa kanyang tahanan?" Tanong uli ni Juan.

"Ok, total pinipilit  mo akong sagutin ka... eh... ah.. oo!" Kinakabahang sagot ni Pedro na medyo napapahiya sa pagkakabuking sa kanya.

"At ibinigay mo ang pangalan ko sa halip na sabihin mo ang totoong pangalan mo?" Tanong muli ni Juan.
Namutla ang mukha ni Pedro sa pagkapahiya sa kanyang kaibigan, "Yeah... eh bro... pasensya ka na... natatakot lamang ako na baka ako habulin niya pagkatapos ng nangyari sa amin. Pasensya ka na... patawarin mo ako kung sa 'yo ko ipinasa ang responsibilidad ko sa kanya." Nanginginig ang boses ni Pedro habang nagpapaliwanag sa kanyang kaibigan.

"Teka, bakit mo nga pala naitanong... buntis baga siya?" Tanong ni Pedro.

"Hindi... kamamatay lamang niya at iniwan niyang lahat sa akin ang kanyang mga ari-arian."

Nganga si Pedro....

31 October 2013

The Moral Lesson

Isang guro sa ikalimang baitang ang nagbigay ng takdang aralin sa kanyang mga mag-aaral. Ang takdang aralin ay humingi ng isang maikling kwentong may aral sa mula sa kanikanilang mga magulang. Nang sumunod na araw, lahat ng mga bata ay isa isang nagsalaysay ng kanikanilang maiikling kwentong may aral.

Nauna si Pedro. "Ang aking ama ay isang magsasaka at mayroon kaming mga paitluging manok. Isang araw, habang papunta kami sa palengke sakay ng kotse ng aking ama upang ipagbili ang aming mga nakolektang itlog na nakalagay sa isang basket na nasa unahan ng sasakyan ng biglang mapadaan sa isang malaking bato ang gulong ng sasakyan at lahat ng itlog ay tumilapon at nabasag at nagkaroon ng isang malaking kalat sa loob ng sasakyan."
"Ano naman ang mabuting aral doon Pedro?" Tanong ng guro.
"Huwag hong ilagay ang lahat ng itlog sa iisang basket"
"Magaling, magaling," sabi ng guro kay Pedro.

Ang  sumunod na nagkwento ay si Juan.
"Kami ay lahi din ng mga magsasaka. Yu'on la'ang mapagkakakitaan eh.. ay paaanhin baga. Pero kami'y nag-aalaga ng manok hindi para paitlugin kundi para ipagbili sa palengke ang karne. Mayroon kaming isang dosenang itlog na pinalimliman pa sa aming beteranong inahin pero sa labindalwang itlog ay sasampu ang napisa... Ang tunay na aral dine ay wag mong bilangin ang sisiw habang hindi pa napipisa ang itlog."

Sumunod naman ay si Vicente. "Aba'y mas matindi ang tatay ko kung sa mga isturyahan din la'ang na may aral. Minsan ay naikwento nya sa akin ang tungkol sa aking Nanay Itang. Isa siyang enhenyerang panghimpapawid noong panahon ng mga Hapon. Nasa tungkulin siya noon upang sumalakay ang kanyang eroplanong pandigma sa garison ng mga Hapon ng tamaan ng bala ang eroplanong pandigma niya. Wala siyang nagawa kundi ang magparakayda sa ibabaw ng teritoryo ng mga kaaway at ang tanging taglay niya sa kanyang katawan ay isang boteng lambanog, isang machine gun at isang puthaw. Ininom niya ang alak para daw hindi masayang sa kanyang paglapag sa ibaba, at siya ay lumapag  sa gitna ng isandaang mga sundalong Hapon. Napatay niya ang pitumpo sa mga ito gamit ang machine gun pagkatapos napatay niya ang dalawampu gamit ang puthaw at pagkatapos napatay niya ang natitirang sampu gamit ang kanyang mga kamay."

"Diyos ko po," ang nasambit ng guro. "Ano naman ang moral lesson na sinabi ng iyong ama sa iyo mula duon sa nakakasulasok na kwentong iyon?"

"Ala ay di are ho yu'on.... sabi ng tatay ang moral lesson daw ho duon ay are... Lumayo daw ho sa Nanay Itang kapag nakabarik."

21 October 2013

Sabong Ala Eh

Sabong Ala Eh
Sabong Ala Eh
Anong balita? Napabutaw baga?
Ay owo, sa talisayin!
Saan napasultada?
Sa panuksukin!
Anong kasta? Sambot baga?
Yung sa kabila! Magaling pumalo eh...
Nakailang sarnit baga?
Ala eh nakapitong paluan naman...pagkakuwa'y laylay  pagkaiktad eh!
Ah ah ibig mong sabihin ay hindi na nakakise man la'ang?
Ay oo eh... karaka'y laylay!
Ay makakabalato ga?
Naku naman, ay bawi la'ang eh!!!

Ah ah ay lahat na yata ng lumabas  dine pag tinanong ko'y pag hindi talo'y bawi la'ang... ay saan baga nalabas ang mga nanalo duon eh iisa naman ang pintuan dine???

Before Filipino Know How to Vote

Batangueno Around The World
"Nguni ay ang lilo't masasamang loob,
Sa trono ng puri ay iniluluklok
At sa balang sukab na may asal hayop
Mabangong insenso ang isinusuob!"
hango sa Florante at Laura.

Ano na nga baga ang nangyayari sa ating pamahalaan ngay-on... ang Pilipinas ay hinding hindi na nawala sa listahan ng mga bansang malala ang pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Ang tanong ko ay garne.... ano nga baga ang tamang batayan ng mga mamamayan para iluklok ang mga pulitikong ito sa pamahalaan.

Naalaala ko noong ako'y bata pa, kumbaga ay wala pa akong pakialam sa mga nangyayari sa aking kapaligiran kung saan ang nasa aking utak puro laro at pagkain laang. Ang mga namumuno noon ay talaga namang kagalang galang....saka talagang may mga pinag-aralan at maraming alam sa batas. Masasabi kong kayang kayang iharap ang ating bansa pagdating sa ibang mga nasyon... ay ngay-on ho baga'y anong nangyari? Bukod sa mga kagulang gulang na ang mga namumuno sa ating bansa ay talaga namang ubod pa ng kakakapal ng mukha. Ay kuruin baga naman ninyong pagpasasaan ang ating kaban ng bayan... bukod sa mga pagpapaganda laang at pagpapapogi ang alam ay talaga naman hong masyadong KAGULANG-GULANG!!!! Ah ah ay talaga naman hong nakakagalit eh... nakakasulak ng dugo!!! Ay bakin ga kanyo gay-on na laang ang aking nararamdaman.... sapagkat ang mga katulad nating nangingibang bansa makapagtrabaho laang ng maayos ay nagtitiis na mapalayo sa mga mahal sa buhay para lamang maitaguyod ng maayos ang ating mga pamilya at nagtitiis tayong makisama sa mga ibang lahing ito na hindi naman natin kaaano ano at kung minsan ay dudustain pa tayo. Samantalang silang mga nasa gobyerno ay nagpapasasa at lumalamon ng ating pinaghirapan. Ay kung ang mga ninanakaw nilang yaan ay napapapunta sa mga proyektong pangkaunlaran at sa kalusugan ng bawat Pilipino.... ay palagay ko'y baka tayong mga nasa ibang bansa ay hindi na umalis sa ating lupang tinubuan... sapagkat makikita ang kaunlaran ng atingt bansa.

Ang isang ikinalulungkot ko ay ito... tayo rin mismong mga mamamayang Pilipino ang dapat na sisisihin sa mga nangyayaring ito.... sapagkat alam ng mga ganid na yan sa katungkulan kung paano paikutin ang tumbong nating mga mamamayan.. dahil sa kakulangan natin ng kaalaman. Sinasamantala nila ang ating kahinaan kaya naman kapag dumadating ang halalan, kapag napakitaan tayo ng kaunting pera at naambunan ng kaunting grasya ay akala natin ay iyo ay panghabangbuhay na.

Mga kababayan.... diyan po tayo nagkakamali at kailangang magising na tayo sapagkat tulad ng tinuran sa Florante at Laura...
"Nguni ay ang lilo't masasamang loob,
Sa trono ng puri ay iniluluklok
At sa balang sukab na may asal hayop
Mabangong insenso ang isinusuob!"

Tayo din mismo ang nagluluklok sa mga buhong na iyan... sa mga walang kaluluwang iyan... ah ah.... ay magising na tayong lahat.... wag naman tayong maging MALAKING TANGA!!!! Ay gising na sa katutohanan na tayo'y pinaglalaruan laang ng mga kagulang gulang na iyan... ay tinamaan ng lintek na yaan ah....kakasulak ng dugo eh.

How to Say Bad News

It's early in the morning and the telephone is ringing.
"Hello, Senior Bartolo? This is Ben, your caretaker in your vacation house here in Mauritius."
"Oh Ben, how are you. What is the matter, why did you call. Is there any problem?"
"Huummm, I called just to let you know that your parrot pet was died."
"What?!?!? My best parrot?!?!? My very expensive parrot?!!? The one that won in the last bird show???
"Yes, Senior Bartolo. Exactly!!!"
Something kind of pissed and shocked he said, "Shit, too bad!!! I spend a lot of money to this bird. Any way, that's life! Wait, what is the cause of the death of the bird?"
"Ah, it died because he ate rotten meat..." reply Ben.
"Rotten meat? And who is the stupid person that feed the bird the rotten meat?"
"No one, Senior. It just fly and fed from the dead horse," Ben said.
"Dead horse? What dead horse, please explain it Ben?
"Senior, all of your thoroughbred horses died. They died because they became exhausted pulling cart of water." Said Ben.

"Are you out of your mind?!!? What cart of water are you talking about?!!?
"Senior, the one that we used to put out the fire!"
"Oh my God, what fire are you talking about!!??!"
"The fire that burn your vacation house, Senior! One of the lighted candle fall down and started the fire that burned down your house!"
"What?!?! What candle? We have power line in our vacation house? How happened that you use candle!!?? What for is that candle!?!?"

"The candle is for the funeral, Senior!"
"What?!?! And who's dead?"

"Senior, don't be shock. But your mother is dead. She suddenly come to the house last night, and didn't say something that she will come. It was middle of the night and I suspect that someone want to steal your property."

"I shot her, Senior! She's dead!"

12 October 2013

Nung Ako'y Bata Pa

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, nung ako'y bata pa
'Nung Ako'y Bata Pa
Naala ala ko pa noong ako'y bata pa... naku ang mga babae'y kung makapupog sa akin ng halik ay inam... Minsan nga eh hindi na ako makahinga ay pupog pa rin ng pupog ng halik sa akin. Ay bakin baga nung ako'y lumaki laki na ng kaunti eh haplos na laang sa ulo ang aking natatamo.. ay hindi na ako halikan eh... ewan ko nga baga... sya ako'y tutula na laang..

Nung ako'y sanggol pa at balot sa lampin
ang mga babae'y halikan sa akin
nang akoy lumaki na at lumaki na rin ang uten
ang mga babaey natakot sa akin...

Suskopoooo rudeh... kaya naman pala!!!

11 October 2013

Sampung Utos Sa Pag-iisang Dibdib

Unang Utos
Ang pag aasawa'y likha ng kalangitan
Ganun din naman ang mga kulog at kidlat.

Ikalawang Utos
Kung gusto mong makinig sa iyo at bigyan ka ng buong atensiyon ng iyong asawang babae...
magsalita ka habang natutulog.

Ikatlong Utos
Ang pag aasawa ay lubhang kasiyasiya, puno ng kulay at sorpresa
Ngunit ang paghihiwalay ay makaisang daang ulit nito.

Ikaapat na Utos
Ang pag-aasawa'y nakakasiphayo...Sa unang taon ng kasal, ang lalaki ang nagsasalita at nakikinig ang asawa. Sa ikalawang taon ng kasal, nagsasalita ang babae at makikinig naman ang lalaki. Sa ikatatlong taong kasal, sabay na silang magsasalita at nakikinig na ang kahanggan.

Ikalimang Utos
Kapag pinagbuksan ng lalaki ng pintuan ng kotse ang kanyang asawa
dalawang bagay lamang yan... bago ang sasakyan o kaya naman bago ang asawa.

Ikaanim na Utos
Ang kasal ay pagtataling puso ng lalaki at babae kung saan sila'y nagiging isa.
Ang problema ay nagsisimula kapag sinubukan ng isa't isang magpasya kung alin nga.

Ikapitong Utos
Bago ikasal, ang lalaki'y nananatiling gising boung gabi sa pakikinig at pag-iisip kung ano ang sinasabi ng kanyang mapapangasawa. Pagkatapos ng kasal, nakaktulog na siya hindi pa man tapos magsalita ang asawa.


Ikawalong Utos
Bawat kalalakihan at nangangarap o naghahangad ng isang ideyal na babaeng mapapangasawa na maunawain, masinop, matipid at magaling magluto. Subalit ang batas ay nagpapahintulot lamang ng isang asawa.

Ikasiyam na Utos
Ang kasal at pagmamahalan ay nababaty sa magandang kimika.
Ito ang dahilan kung bakit ang mga lalaki'y parang "toxic waste" kung ituring ng asawa.

Ikasampung Utos
Ang isang lalaki ay hindi husto o kumpleto hangga't hindi nakakasal.
Pagkatapos nito, siya ay tapos na rin.