Showing posts with label nostalgic picture. Show all posts
Showing posts with label nostalgic picture. Show all posts

15 October 2026

Tapak at Pusak

Kami noo'y garineng garine ang itsura pag nagtag-ulan na. Papunta ng paaralan ay garne, ay lalo na pagbalik... Pagkakahapon at tapos na ang eskwela ay di kami ng aking mga kababata ay patikaran ng pauuwi ng bahay...  bitbit ang tsenelas, nakabayakis ang pantalon dahil ang kalsada'y pusak at latiteng latite sa putik at ang madaanan naming  bayabasan ay ukyabit naming maige. Ay yung daang papasok sa amin ay baybay-daan ay maraming puno ng bayabas. Nakakapaibig naman eh ang amoy ng bayabas pag yan ay mga hinog na. Kaya kaming magpipinsan ay unahan sa bayabas na mainibalang lalo na yung kulay pula ang laman... sa amin ay murado kung tawagin.. ay pagsa sarap naman. 

Areng garneng eksena ay hinding hindi ko makakalimutan. Minsan lubog ang paa hanggang tuhod sa putik eh. Ah ah, ay kainaman na... pero kahit na gay'on ay bakin baga kami'y tuwang tuwa pa at kami'y sayahang sayahan pang naghahabulan kahit na ang daan ay putikan.

13 October 2026

Ang Tungkong Tawisi

Ang Tungkong Tawisi
 Sabi ng mamay sa akin…Ay Otoy, ang ating buhay ay hindi perpek, tayo'y may angking galing at may bulok ding taglay.

At tamo na ga la'ang iyang tungko, iya'y ako ang humulma’t yumari pero tingnan mo’t hindi pantay at tawisi.
Pero iya'y nagagaw-an ng paraan na pumantay ang naka sig-ang. At iyay marani'y….may kalang na bato o latang piningkot. Gay-an din ang ating buhay, iya'y gagaw-an mo ng paraan na pag iki'y may mali…..ay agad mong itatama at ng ang problema'y hindi na toong lumaki.
Noong ako'y lumaki na't nagkaroon na rin ng sariling pamilya'y saka ko rin nga la'ang napagtantong totoo nga pala at tama ang sabi sa akin ng Mamay.

Pag Nasabit ang Tilin Mo

 Ah ah ay areng Ate, ay hindi mapigilan sa pag-akayat sa puno ng bayabas. Nang makitang luyok sa bunga eh, karaka'y nakalantak kaagad ng akyat eh... ay ang Inay naman ay sa lalabas ng basaysay, ay di ga'y palakat na ng matan-awang ang Ate'y pandagisdis na sa pag-akyat... At ang sigaw ay gar'ne...
" Ay pukikinang-inamuka, anaki'y ike talanding pusa diyang hindi ka matilaman...Ay kung sa pag-daplas mong yan ay mapasabit  sa sanga ang iyong tilin diyang tinamaan ka ng magaling na bata ka, ay pag di yan ay halit! Baba... baba diyan at pag nahulog nama'y  ga karaka na'y pipiyagak ng iyak, pag nasaktan nama'y ga atungal na kaagad na akala mo'y pinag-api... ay hulong... ay mapapag-asbaran pa kitang bata ka".
Ay di ang Ate nama'y pandalas nga sa pagbaba at baka nga naman mapasabit ang tilin ay naku... ay pihong mahapdi... Ay kainaman na!

12 August 2023

Kuwatro Kantos At Krispi Pata

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, Kuwatro At Krispi Pata
Kuwatro At Krispi Pata
Are nama'y pagkakasarap tingnan para sa mamumulutan. Sabi nga'y are'y magkatuwang na magkatuwang... Nga la'ang ay ang hindi maganda dini'y pag yang pulutang 'yang nakahanda ay hindi makakatikim ang pamilya. Ako'y doon galit na galit baga, yung pag ang mga anak ang gustong kumain tapos ang sasabihin ng tatay ay "Hoy, 'wag na 'wag mo yang papaki'alman at yan ay aming pupulutanin ng aking mga kumpare". Ah ah ay tunay kang pag ang padre de pamilya ay mas mahal ang mga kumpare at mas naiipaghanda ng masasarap na pagkain ang mga kabarikan ay dapat diyan ay nilalatugan. Nakapagmalaki ka nga sa EpBi ng iyong pinulutang pagkasarap sarap tapos ay ang paulam mo sa iyong pamilya ay hawot at kape ang sabaw, na sila'y tatakam takam sa inyong pinupulutang iyan ay tunay na hindi magandang pamulat sa mga anak ya'an. At ako'y nakulo ang dugo pag ako'y may naaal'mang gay'an. Dapat sa mga gay'ang tawo'y nilalabingki ng tigas ng bilit at ng sila'y matauhan. Suskupo Rudeh!