Showing posts with label Batangas Heritage. Show all posts
Showing posts with label Batangas Heritage. Show all posts

28 October 2026

Anihan

Pag panahon ng anihan, noong kami'y mauunti pang bata ay kami'y suysoy ng Inay na makiani ng palay para daw kami'y may pakinabang na kahit kami'y maliliit pa. Kmai namang magkakapatid ay tuwang tuwa na para bagang ang paggapas ng palay ay laro la'ang sa amin. Kahit tiringka na ang init ng araw ay balewala sa amin dahil kami'y magugulo sa anihan. Palagi kaming parang balakatak ang mga bibig pag kami'y naglilipon habang nag-aani. Pagkakatapos naman naming mag-ani ay amin na ring gigiikin ang aming naani. Noo'y hindi pa uso ang tilyar na pag kaani ay ilalagay mo at isusubo sa bunganga ng tilyar at palay na paglabas... Noon ay giik main, minsan ay sugat na ang aming mga paa sa pag-giik ng palay. Pag naka hunos naman kahit na iisang balde'y kami'y tuwang tuwa na. Sabi nami'y may pansaing na ang anak ng Inay... ah ah ay talaga naman nga. Mahirap ang buhay noon pero nalagpasan naming lahat yuon... Salamat sa Diyos.

27 October 2026

Ginataang Tulingan

Noong una'y kaming magkakapatid ay tuwang tuwa na kapag garne ang pang ulam. YUng sinaing na tulingan ng Inay na pinanggang sa mahinang mahinang apoy na nakailang araw na. Tapos ay pag nakailang araw na ay garine naman anggagaw'in. Gagat'an tapos ay lalagyan ng ilang pirasong liyempo tapos may siling kimumpas. Ah ah, ay talaga namang makakapanabig ng kahanggan. Ubos ang isang sulyaw na pamalawbaw. Kahit gaano kadami ang bahaw ay siguradong ubos.

26 October 2026

Panggatong

Noong una'y hindi pa uso ang gas. Kami'y tuwing hapon at pagkakarating galing sa eskwela ay palaging araro ng Inay ng garute at pinapangahoy kami. Kailangang bago gumab'ey may sinibak kang kahoy na panggatong sa sinaing. Ay pag wala, ay syaka... asbar ang aabutin mo. Dapat ay palaging puno ang ilalim ng tungko ng panggatong. Ang gagaw'in naman naming magkakapatid ay papasok kami sa gubat pag araw ng Sabado at doon kami mangangahoy ng marami.. Kami'y tig-iisang pas'an, sisibakin na rin namin yuon at ihihilera na sa ilalim ng tungko. Ang iba naman ay di sa labas at nakapatas na ng pakuwadradong patung patong. Gay'on ang gawa namin at ng makalibre ng pagsisibak pagkakagaling sa eskwela. Ay di ang aturga la'ang namin ay ay ang pag-aalam ng mga baka at kambing. Pagkatapos noon ay basketbol na. Naku ay wag na wag kang magbabasketbol ng hindi pa naaalam ang mga baka at pihong kahit nasa kalagitnaan ka ng laro ay malalabingki ka. Ah ah ay kainaman na.

24 October 2026

Papagayo

Noong kami'y mauunti pa't palaging ang gusto'y maglalaro sa labas lalo na't pag bakasyon na at sasapit na ang buwan ng Mayo. Yan ay yung panahon na kakaani la'ang ng palay tapos ay paghahanda na ulit ng linang para sa panibagong tag-ulan. Ang hangin pag gay'ang panahon ay talaga namang palaging hagubhob na eh. Yan yung panahon ng tag papagayo... Ako'y tuwang  tuwa na kapag ako'y nakapagpalipad ng papagayong ano gang haba ng buntot. Kami'y patikaran sa parang - kaming magpipinsan at kanya kanya kami ng  pinapalipad na papagayo... Naroong mabangasan ang tuhod ay balewala sa amin, naroong mapasungasob at maharharan ang baraso sa pagtakbo para la'ang lumipad ng maayos ang papagayo ay ayos la'ang, walang iyakan at pag umiyak at nakita ng Mamay o kaya ng Nanay o kaya ay ng Inay o Tatay ay pamihadong may asbar pang aabutin. Ah ah ay kaninaman na.

21 October 2026

Gilingang Bato

Areng garneng mga tagpo ay hinding hindi ko makakalimutan. Pag ang Nanay ay gustong gumawa ng Puto o di kaya ay Kutsinta o kaya naman ay Pinindot na kung tawagin sa ibang lugar ay Bilubilo. Pag tag mais naman ay kalamay na mais ang aming dinadale... ay sya... karakaraka'y tawag kaming magklakapatid kaya la'ang ay palagi nga akong napupuruhan. Bakin ga nga at ako yata'y paborito noon ng Nanay, pag gigiling na garne ay ako kaagad ang hatak hatak at ako ang pinapagiling. Minsan naman nga ay ako ang taga lagay ng bigas o kaya naman ay mais. Ah ah ay hapo din naman nga bago tumigil eh pag ako ang nadale ng giling. Masasakit ang baraso pagkakatapos eh.

20 October 2026

Mahal Na Araw

Noong kami'y mauunti pa't kami'y wala pang masyadong inaalaala sa buhay... kapag Biyernes Santo ay talagang kaming lahat ay timo sa basayssay. Bawal ang maglayas, o kaya naman ay maglaro sa labas... basta kami ay nasa bahay la'ang at kami'y naghilata doon at kami ay nangingiling lahat. Bawal din ang magtarbaho at sabi'y patay daw ang Diyos at dapat na ipagnilay ang gay'ong pagkakataon. Ay di kami namang magkakapatid ay di timo nga la'ang sa bahay at wala ni isa man sa amin ang nagtangkang lumabas para maglaro. Kahit pa ya'y gustong gusto naming lumitar ay hindi pwede. Gay'on ang Mahal na Araw noon, talagang iginagalang. Hindi katulad ngay'ong mamahal-mahal na araw ay lahat ay nasa beach at naglilimayon. May pagpapatay pa ng baboy at pag iinumang naalman. Ay mga busong na ang mga tawo ngay'on... hindi katulad noon.

19 October 2026

Palapas ang Manggahan

Nong kami'y maliliit pa'y kaming magkakapatid ay magkakasundo sa mga garineng kalukohan... Kahit pa yan ay putikan ang dinadaanan, pag kami'y nagkita ng bunga ng mangga'y kaagad agad ay hagip ng pamalapas. Kahit pa naandiyan ang may-ari ng puno, tuloy ang yuryor... Kaya naman kami'y palaging napapag-garute ng Mamay noon eh. Kaige din naming pasaway noon. Pero kami nama'y mababait din, pag sinabi sa aming timo ay di titimo naman kami kaagad. Hindi na kami nasagot noon na katulad ng iba na kaagad ay sasabihing " Aba'y bakit titimo'y buhay?"

18 October 2026

Balatong Sa Bilao

Sino sa inyo ang nakakatanda nare... Ay naku po, isa are sa mga nagpahirap at nagpasakit sa aking tuhod... Pag kaming magkakapatid ay may nagawang kalukohan, kahit isa man la'ang sa amin ang may sala, lahat kami ay luluhod diyan sa bilao ng balatong na ya'an. Ay pagsa sakit naman... parang tinutundos ng malalaking karayom ang iyong laman sa tuhod eh... Yan ang sinasabing parusang sundalo pag diyan ka napaluhod. Gay'ong katatapang ang Inay at ang Tatay sa amin noon... Tapos ngay'ong may apo na eh, nakupo... ay mahal na mahal at ayaw na ayaw na makikitang aking nabubuntal ang kanilang apo... ay pamihadong sila ang kalaban mo ngay'on. Samantalang kami noo'y kulang na la'ang ay utasin sa pamamalo ng sinturon, ng hanger, ng walis tambo at kahit na anong mahagip, siguradong ilalabingki sa iyo. Ah ah, ay kainaman na.

17 October 2026

Buhay Probinsya

Hindi ko rin nga maintindihan at hindi ko lubhang maunawaan kung ako baga'y nalulungkot sa nangyayari ngay'on diyan sa atin sa Pilipinas... Noon bagang panahong una'y pakiramdam ko'y mahirap ang buhay pero ako'y masaya sa aking kapaligiran... Noo'y alam mong pagdating ng Mayo ay siguradong sigurado at alam na alam mong pamihadong uulan... Noo'y mahuhulaan mo ang weder porkast eh... kaya nga may tinatawag tayo noong Agua de Mayo eh... yun ay sahod sa unang ulan sa buwan ng Mayo... saka para bagang ang sarap noong damhin ng paligid, kahit na mahirap ang buhay dahil alam mong tahimik at payapa ang buong paligid. Huni ng ibon at unga ng baka at halinghing ng kabayo ang iyong maririnig, tapos ay palakat ng Inay pag nakitang kami'y nakaungkot la'ang at walang ginagawa. Araro kami ng asbar papuntang linang para magtanim ng mais at uulan na nga naman. Sa hapo'y mag-aalam ng baka at baka napulupot na sa pinagtalian.. Pagkapag-alam ng baka ay mangangahoy naman at ng may maigatong dahil pag walang panggatong ay ang sabi ng Inay ay garne; "Ay sa tinamaan kayo ng magaling na mga hamatad kayo, mga kalis ninyo ang pipirperen ko at ng may maigatong ako dini sa sinaing ko"... Ah ah, ay pag di ka umingle ay sya ka... bukod sa may garute ka na ay mag pingot ka pa sa taynga.

16 October 2026

Ang Pagsusunog ng Kilay

Noong kami'y mauunti pa, at kami'y nagaaral pa sa elementarya, ay ganireng ganire kami sa gab'ing magkakapatid. May ilaw na kingki, makapg-aral la'ang at ng magkagawa ng assignment. Pagkakatapos nama'y puno ng agiw ang ilong eh. Ay kita mo nga naman iyon, nakaraos din nga eh kaming magkakapatid. Kung babalik tanawin ko nga naman yung aming mga pinag-daanan ay hindi rin nga babasta.

13 October 2026

Refrigerator Noon

Refrigerator Noon
Pag ako'y nakakakita ng ganireng basket ay naaala-ala ko noong ako'y maunti pang bata eh. Ang Inay ay palaging may nakasabit na garneng basket sa may palupuhan ng bahay... Ay alam ninyo ga kung anong laman ng basket na yuon... ay pagkain, o kaya ay pang ulam. Alalaon baga'y para daw hindi maabot ng pusa. Ay kami nama'y hindi rin mangahas na basta dudkot diyan sa basket na ya'an at pag ike inabutang nakuha diyan ng kahit na anong pagkain, ay siya... lagot ka. Bukod sa may asbar ka na ay may garute ka pa, sabi nga nila. Ay baken kanyo? Ay ang aming pagkain ay takal eh, eksaktuhan la'ang sa bawat isa sa amin. Kaya nga noo'y kahit gutom ka pa ay hindi na makabulos. Pag nabawasan ng isa ay di kukulangin. Ay diyan na magkakalintek lintek. 

Pag Nasabit ang Tilin Mo

 Ah ah ay areng Ate, ay hindi mapigilan sa pag-akayat sa puno ng bayabas. Nang makitang luyok sa bunga eh, karaka'y nakalantak kaagad ng akyat eh... ay ang Inay naman ay sa lalabas ng basaysay, ay di ga'y palakat na ng matan-awang ang Ate'y pandagisdis na sa pag-akyat... At ang sigaw ay gar'ne...
" Ay pukikinang-inamuka, anaki'y ike talanding pusa diyang hindi ka matilaman...Ay kung sa pag-daplas mong yan ay mapasabit  sa sanga ang iyong tilin diyang tinamaan ka ng magaling na bata ka, ay pag di yan ay halit! Baba... baba diyan at pag nahulog nama'y  ga karaka na'y pipiyagak ng iyak, pag nasaktan nama'y ga atungal na kaagad na akala mo'y pinag-api... ay hulong... ay mapapag-asbaran pa kitang bata ka".
Ay di ang Ate nama'y pandalas nga sa pagbaba at baka nga naman mapasabit ang tilin ay naku... ay pihong mahapdi... Ay kainaman na!

12 August 2023

Si Muning

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, Si Muning
Si Muning
Noong araw ang mga alagang hayop ay hindi katulad ngay'on na akala mo'y tao nang ituring. Hindi naman ho sa aking binabatikos ang mga may alagang hayop ngay'on at ako naman ho ay isa din sa mga may alagang hayop sa bahay. Ako ho'y may alagang so ngay'on na aking namang mahal na mahal din. Nga la'ang ho'y hindi katulad noong una ang pag aalaga ngay'on. Noong ako'y maunti pa ay may pusa kaming alaga sa bahay... at kaya kami nag-aalaga ng pusa noon ay maraming mga daga ang napasok sa aming bahay noon, minsan ay yung bagong bagong damit ng Tatay na binili pa ng Inay sa hurnalan ay bay'n ga ito'y noong isusuot na ng Tatay ay butas ang tagiliran at sirang sira. Ay yun pala'y nginayngay ng daga kaya naisipan noon ng Inay na mag alaga ng pusa. Naku yun ay aking mahal na mahal at aking katabi sa gab'i sa aking pagtulog. Ang Inay naman ay palaging palakat na sa akin at wag ko daw ipagtabi ang pusa at baka ako daw ay hikain. Ay baken ga sa awa ng Diyos naman ay hindi ako hinika. Pag sa galing din naman ng aming pusang iyon, pag yun ay umalis ng bahay asahan mong pagbalik ay kung hindi pugo ang dala sa bahay ay minsa'y ahas... ah ah sabi ko'y kainaman ka ng pusa ka... Kaya ho sabi ko kanina ay ibang iba ang mga alagang hayop noon kesa ngay'on... ay noon ay pabaya namin ang aming alagang hayop na labas lalo na yung aming aso. Yun ay basta may ibang tao sa bahay ay halabhaba na ang tahol at hindi takot. Talagang kundi tumawag ang pupunta sa inyo sa may pultahan ay hindi basta makakapasok... ay ngay'on, kahit na sinong dumating ay payipoy ang buntot... ah ah....

Sumang Batangas

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, Sumang Batangas
Sumang Batangas
Are'y talaga namang nakakatakam pag aking nakikita. Naaala-ala ko pa noong kami'y kaliliitan pa, na pag papasko na lalo na sa a-bente kuwatro ng Disyembre ay sya ang mga Nanay, ang Inay at aking mga Tiyahin ay pandagisdis na sa paggagawa ng suman... Dalwang klase pa are... ang isa ay yung suman sa tamales, yung hilaw ang malagkit na parihaba ang itsura tapos ay yung isa ay yung suman sa lihiya at gata... yung pahaba naman na ang malagkit na bigas ay isinasaing muna bago sumanin. Ang lagaan naman namin noon ng suman ay yung balde ng Minola na hiningi pa ng Mamay sa kanyang suking tindihan sa palengke ng Lobo. Ay pagsa dami naming gay'ong balde. Tapos ay kailngan mong laging babantayan at baka mawal'an ng gatong. Ang amin namang gatong ay lawo, yun gang kawayang tuyo kaya pagsadaling maubos... Tapos may konteyner kami ng tubig, yung malaki, aming alaga yun ng dugang ng tubig at baka maigahan ay masunog ay pihong lagot kami sa Mamay... maaasbaran kami pag nasupok ang nilagang suman. Yun ay hanggang sa madaling araw ng kapaskuhan ay kami'y mga mulat at agutay nga namin lagi ng gatong ang suman. Pag naluto naman na ay di kanya kanya kaming tikiman. Ang sawsawan pa naman namin ay kung hindi asukal na pula kahit hindi pula😅 ay di santan... yung gata ng niyog na  nilagyan ng asukal tapos inilaga ng matagal...Ah ah ay talaga naman ngang napasarap alalahanin ang nakaraan.

Sorbetes

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, Sorbetes
Sorbetes
Areng garneng magsosorbetes ay noong kami'y mauunti pang bata ay talaga namang hinding hindi ko makakalimutan... Yan ay malayo pa ya baken baga ito'y ulinig na ulinig na agad namin yung kalembang ang kanyang kampanilyang maliit. Ano nga gang tawag doon? Sa amin ay "kililing" dahil ang tunog ay di gay'on, "kililing, kililing, kililing". Ay sya, ay patikaran na kaagad agad kaming magkakapatid at magpipinsan at abang namin yan sa aming tarangkahan ng bahay at pag daan ay kami'y agad na nagsasabing pabili kahit mga wala namang pera... Ay di ga'y minsa'y kami'y napag asbaran ng Inay at bakit daw kami'y pagkakalakas ng loob na bumili ay mga wala naman daw kuwarta. Tapos ay pagsasabatugan pa raw naman namin ay hindi daw kami dapat binibigyan ng sorbetes na gay'on. Ah ah ay ako'y napaisip eh... ay nasabi ko na la'ang sa aking sarili na ano ga kaya sa Inay ang masipag, ay aturga ko na ngang lahat sa amin, pagsisibak ng kahoy kahit ako'y hagya na makabuhat ng puthaw, pag-iigip, pagtatabas ng looban, pagpapaanyo ng aming alagang baka at kambing... ay sabi ko'y pangkal pa pala ako ng lagay na are. Ala ay yung kain ko sa aking sorbetes eh ang hiyaw ko sa magsosorbetes eh, "pakisingil ho ang Inay" sabay patikar na ako pabahay. Ay di walang nagawa ang Inay kundi bayaran... Ah ah ay noon nga naman ay bago ka makatikim ng isang bagay na iyong ibig ay pagsadami pang rekutikos... Tunay ka naman.

Kapag Libog Ang Pinairal

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, Kapag Libog Ang Pinairal
Are'y kaasakang kaasakan noong ako'y nasa hayskul na... Basta bago ang dyip ay maraning marani ay garne ang nakasulat sa mudguard. Lalo na nung magkolehiyo na ako. Ay palagi ko areng nakikita dahil ako noon ay pang gab'i sa college dahil ako'y nagtatrabaho sa araw. Self supporting student ako noong araw eh. Mga taong 1990's yu'on... Yung service naming dyip sa gab'i ay palaging mabilis magpatakbo kaya naman ang tawag namin doon ay si "biyaheng Langit"... Yung drayber namin ay magaling makisama, palagi yu'ong may pakumusta sa iyo pag nakita ka... "Kumusta ika ang pag-aaral... Tandaan ninyong Pag Libog ang Pinairal, Sira ang Pag-aaral"... kami namang mga pasahero ay palaging sabay sabay na binabanggit yun pag naduon na sa huling puntong yun ng pagsasalita yung aming drayber... Ay doon din ako nagkaroon ng unang crush sa service na yuon... Ako nama'y pagkakatorpe noong panahong iyon at ako nga'y hindi naman marunong manligaw... yan gang hirap nga kami sa buhay ay ano ga namang aking ipangde-deyt kung ako ay manliligaw sa isip isip ko na la'ang... ala ay di dinaan sa liham ng pag-ibig... ay may sagot agad... BASTED... Ay hirol ang pusong sugatan... Ako'y napapaumis na la'ang pag aking naaala-ala.

11 August 2023

Sumang Balinghoy

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, Sumang Balinghoy
Sumang Balinghoy
Areng sumang balinghoy ang hinding hindi ko makakalimutan sa aking tanang buhay na are. Noong kami'y mauunti pang bata ay naku, ay pagsagaling naming gagawa ng sumang balinghoy. Sa aming likod bahay nama'y may mga saging na saba kaming tinanim, ay di basta maulutang magsuman, ako'y kakarit agad ng mga dahong magaganda pa ang suloy lalo na yung mura murang dahon dahon, yun gang talbos na na malapit nag bumukad... yun agad ang aking kuha... ang pangkuha ko naman ay karit na isiningit sa dulo ng tikin. Tapos sa amin namang ila-ilaya ay may balinghuyan kaming kaunti... ay pagsalalaki naman ng laman... Yan gang ang lupa'y pagkakayabo, ay di ang laman ay kumbaga'y hindi supil kundi palarga ika nga ng iba... mayabo ang lupa eh. Ay di pag nakakuha na kami ng balinghoy ay amin na iyong tatalupan... sabi nga sa amin eh "ay talupi" at pag natalupan naman ay di aming yayadyadin na. Pagkatapos naman ay susungkit na kami ng malagihay na niyog... yun gang lampas na sa pagkamura pero hindi pa rin naman magulang at yun ay aming kakayurin para isa sa susumaning balinghoy... Tapos ay lalagyan ng asukal na pula... na hindi naman nga pula... aywan ko nga baga kung bakit kinalakhan ko nang ang tawag ay asukal na pula pero brown naman... Minsa'y nasasabi ko sa aking sarili na ito yata kakong mga magulang ko, mga mamay at nanay at aking mga tiyuhin at tiyahin ay mga color blind... Baken ga nga asukal na pula ang tawag doon...😅😅😅 Ay di pag ayos na at timplado na ang susumaning balinghoy ay di pagpipirasuhin na namin yung nilaib naming dahon at pag napunasan ay sya, pandale na... kanya kanya nang paggawa ng suman... Kaya naman merong malaki, mayroong maliit, may katamtaman ang laki... Tapos pagsa kinabukasan ay may baon na kami nyan... Yun ang kain namin sa miryenda... Ay tunay naman ngang ako'y sarap na sarap doon... Ah ah ay makakapanabig ng kahanggan.

09 August 2023

Miss Angkinin Mo Ako

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, Miss Angkinin Mo Ako
Miss Angkinin Mo Ako
Areng mga garneng padale ay talaga namang hakab na hakab sa mga pasahero. Talaga namang mapapaumis ka kapag ikaw ay nakasakay na at makikita mo ang garneng padale ng drayber. Di ga'y may kasabihan nga sa atin sa Batangas na garine "Basta drayber, sweet lover" kaya naman malimit na malimit mong makikita ang mga garneng padale "Miss angkinin mo ako, 'wag la'ang ang kita ko". Aba ay kita mo ga naman ang drayber na are at payag na sya ay angkinin pero wag na wag ang kanyang kinita at pansuhol yu'on sa kanyang asawa. Ay kainaman na.

Simpleng Galawan Laro Na

Batangueño around the world, batangenyo around the world, Batangas photo, Batangas, Batangueño ako, Simpleng Galawan Laro Na
Simpleng Galawan Laro Na
Noong mauunti pa kami, mga aanimin o pipituhing taong gulang pa lamang, kaming magpipinsan ay palaging magkakasama kahit saan kami magpunta. Noon kami'y walang iwanan, basta may pupuntahan ang isa kami'y kaagad ay kabit kabit na. Pagtawag sa isa, lahat ay maglalabasan na, kahit ang punta ay sa gubat o kaya ay sa parang at maglalaro ng baseball o kaya naman ay agawan ng base. Nakakatuwa ay pag ang laro namin ay agawan ng base, ay ako nama'y mabilis bilis din ngang tumakbo kaya ang gagawin ko ay ako ang huling magpapahabol lalo na't ang aking mga kakampi ay bihag nang lahat. Pag ako'y nagpahabol ay di lahat ng aming mga kalaban ay hahabol sa akin pero dahil sa maliksi nga ako ng kaunti kaya hinding hindi nila ako mataya kaya nadadagit ko ang aking mga kasama at naii-save. Ala ay talaga namang hihimuhimutok eh ang mga kalaban. Tapos minsan pag hindi agawan ng base ay batuhan naman kami ng kulutan... ah ah ay yun ang pinaka ayaw kong laro... ay pag inabutan ka at napagtulungan na batuhin ng kulutan ay sya, husay ka na. Masakit din naman eh, tapos may mura pa sa Inay dahil pag maglalaba ay maraming nakakapit sa damit ba kulutan. Nakakatuwa rin naman nga eh dahil kahit mga simpleng bagay na aming ginagawa noon ay tunay na pagkasaya talaga. Hindi nawawala ang mga halakhakang walang kaumay umay.